Malacañang: Franchise renewal ng ABS-CBN nakasalalay sa Kongreso

Iginiit ng Palasyo ng Malacañang na desisyon ng Kongreso at hindi ni Pangulong Rodrigo Duterte kung papayagan ang franchise renewal ng ABS-CBN Corporation.

Sa isang pahayag araw ng Huwebes, sinabi ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo na hawak ng Kongreso ang bola sa pag-renew sa prangkisa ng largest media conglomerate.

“Nasa Kongreso ang bola niyan, hindi naman kay Presidente,” ani Panelo.

Ang pahayag ng Palasyo ay matapos mag-lapse into law o awtomatikong maging batas ang mga panukalang i-renew ang prangkisa ng TV 5 at Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP).

Hindi nalagdaan ni Pangulong Duterte ang mga panukala para sa franchise renewal ng TV 5 at CBCP sa loob ng 30 araw kaya’t awtomatikong naging batas ang mga ito alinsunod sa itinatakda ng Konstitusyon.

Ayon kay Panelo, dahil naglapse into law ay okay sa pangulo ang francise renewal at parang pinirmahan niya na rin ito.

“Ibig sabihin kung pina-lapse niya, ibig sabihin okay sa kaniya. That means, effectively parang pinirmahan niya rin iyon. Ganoon naman iyon eh. Kasi when a president, who is supposed to sign bills, will let a law pass, ibig sabihin okay lang sa kaniya iyon,” ani Panelo.

Nakatakdang mag-expire ang prangkisa ng ABS-CBN sa March 2020.

Hindi pumasa 17th Congress ang panukala sa Kamara na i-renew ang prangkisa ng network kaya kailangan itong i-refile sa 18th Congress na magsisimula pa lang sa July 22.

Magugunitang ilang beses na nagbabala ang presidente na haharangin ang franchise renewal ng ABS-CBN dahil sa umano’y hindi pag-ere nito ng kanyang political ad para sa 2016 elections.

 

Read more...