Bahagi ng C3 bridge sa Navotas isasara simula bukas; 33,000 motorista maapektuhan
Patuloy na humihingi ng pang-unawa ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa mga motorista dahil sa mas lalalang trapiko bunsod ng gagawing pagsasara sa bahagi ng C3 bridge sa Navotas simula bukas, July 20.
Sa abiso ng MMDA, isasara ang northbound lane ng C3 bridge sa Navotas pagsapit ng alas-11:00 ng gabi kung saan inaasahang maaapektuhan ang nasa 33,000 motorista.
Ang pagsasara sa bahagi ng tulay ay upang bigyang daan ang pagsasagawa sa NLEX-Harbor Link Segment 10 C3-R10 Section.
Ayon kay MMDA General Manager Jojo Garcia, ang natitirang lane ay magiging two-way na.
Dahil dito, inabisuhan ang mga maliliit na sasakyan na dadaan sa C3 Road papuntang Radial (Road 10) na gamitin muna ang Dagat-Dagatan Avenue at Lapu-Lapu Avenue.
Ang malalaking sasakyan naman tulad ng mga trak ay prayoridad sa two-way traffic route sa natitirang lane ng C3 bridge.
Dahil dito, nagbabala si Garcia ng napakabigat na daloy ng trapiko.
Inaasahang sa Nobyembre pa matatapos ang gagawing konstruksyon.
Pangako naman ng MMDA, bibilis na ang biyahe galing norte kapag natapos ang proyektong ito.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.