Robredo sa sedition case: ‘Harassment, kwentong kutsero’

Itinuring na “kuwentong kutsero” at harassment ng kampo ni Vice President Leni Robredo ang sedition at ibang kaso na isinampa laban sa kaya at 35 iba pa na umanoy nasa likod ng “Ang Totoong Narcolist” videos na nagdawit sa pamilya ni Pangulong Rodrigo Duterte sa droga.

Ayon sa tagapagsalita ni Robredo na si Atty. Barry Gutierrez, pag-aaralan nila ang susunod na aksyon kapag natanggap na nila ang kopya ng mga reklamo laban sa Pangalawang Pangulo at ilang kaalyado nito.

“But if this is purely based on the outrageous statement previously given by Mr. Advincula, we can confidently say this is completely baseless and nothing more than plain and simple harassment…Kwentong kutsero na pinilit gawing batayan sa kaso,” ani Gutierrez.

Pahayag ito ng abogado kasunod ng pagsasampa ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) ng mga kasong sedition, cyber libel, estafa, harboring a criminal at obstruction of justice laban kay Robredo.

Kinasuhan din sina Senators Leila de Lima, Risa Hontiveros at mga dating Senador Bam Aquino, Antonio Trillanes IV gayundin ang mga abogadong sina Chel Diokno, Romulo Macalintal, dating Solicitor General Florin Hilbay, Samira Gutoc at dating Congressman Erin Tañada.

Kasama rin sa asunto sina Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) president Archbishop Socrates Villegas at incumbent CBCP vice president Archbishop Pablo Virgilio S. David at mga paring sina Robert Reyes, Flaviano Villanueva, Albert Alejo, Bishops Honesto Ongtioco at Teodoro Bacani Jr.

Matatandaang noong May 6 ay inakusahan ni Peter Joemel Advincula, na nagpakilalang si Bikoy, ang mga miyembro at kaalyado ng pamilya Duterte na umanoy sangkot sa kalakalan ng droga.

Pero noong May 23, kasama ang mga opisyal ng PNP ay sinabi ni Advincula na gawa-gawa lamang ang kanyang unang pahayag at idinawit nito ang mga taga-oposisyon at ang Liberal Party (LP) sa umanoy planong pabagsakin si Pangulong Rodrigo Duterte para umano makaupo si Robredo bilang Presidente, bagay na itinanggi na ng mga nasangkot.

 

Read more...