Poe, kasama pa rin sa listahan ng mga kandidato

 

Isasama pa rin ng Commission on Elections ang pangalan ni Sen. Grace Poe sa listahan ng mga kandidato sa 2016 elections.

Ito’y sa kabila ng pagpapatibay ng COMELEC sa diskwalipikasyon ng kandidatura ni Poe bilang pangulo sa darating na eleksyon.

Ayon kay COMELEC Chair Andres Bautista, sa ngayon ay nananatili pa rin sa listahan ang pangalan ni Poe ngunit wala naman siyang binigay na kasiguraduhan kung mananatili pa rin ba ito kung hindi magbigay ng injunction ang Korte Suprema sa kaniya.

Ani Bautista, mayroon pa namang limang araw si Poe para iakyat sa Supreme Court ang kaniyang apela para ipatigil ang desisyon ng COMELEC.

Binatikos naman ng abogado ni Poe na si George Garcia ang tiyempo ng paglalabas ng COMELEC ng nasabing desisyon, kung kailan nakabakasyon na aniya ang Supreme Court.

Umaasa ang kampo ni Poe na sana man lamang ay nagpakita man lamang ang COMELEC ng judicial courtesy, lalo pa’t wala naman silang ibang mapupuntahan ngayon dahil sarado ang Korte Suprema hanggang Linggo.

Samantala, nagsabi naman ang tagapagsalita ng Korte Suprema na si Atty. Theodore Te na maari naman magsagawa ng special session ang korte kung mayroong urgent case na dapat agarang madesisyunan.

Read more...