Inilikas ang ilang residente sa lalawigan ng Oriental at Occidental Mindoro para sa naranasang pag-uulan bunsod ng Tropical Storm Falcon.
Ayon sa regional Disaster Risk Reduction and Management Council (DRRMC), hindi bababa sa limampu’t apat katao ang nananatili sa evacuation center sa bayan ng Bongabong sa Oriental Mindoro.
Ito ay makaraang tumaas ang tubig-baha at nasira ang labing-limang kabahayan sa bahagi ng Barangay Camantigue.
Samantala sa Occidental Mindoro, nagkaroon naman ng storm surge na may isang metro ang taas sa bayan ng Magsaysay.
Malalakas na alon din ang tumatama sa seawall sa Barangay Dangay sa bayan ng Roxas.
Sa ngayon, patuloy ang ginagawang assessment ng mga otoridad para malaman ang halaga ng pinsala sa imprastraktura at agrikultura sa rehiyon.