Tugon ito ni Cabotchan matapos palutangin ni Cayetano ang ideya na paiksiin na lang ang anim na taong termino ng mga senador at palawigin naman sa apat na taon ang mga lokal na opisyal.
Sinabi ng kongresista na dapat pagtuunan ng pansin ni Cayetano ang ibang legislative priorities sa halip na maglaan ng oras sa constitutional amendments na pinagsisilbihan lamang ang interes ng mga pulitiko at ilang negosyante sa kanyang balwarte sa Taguig City.
Paliwanag pa ni Cabotchan, kapag ipinilit ng inendorsong kandidato ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Charter amendments ay hindi ito magiging katanggap-tanggap sa taumbayan dahil magmumukhang interesado ang Kongreso sa self-serving measures at magkakawatak-watak ang mga mambabatas.
Kailangan aniyang panatilihin ni Cayetano ang magandang ugnayan sa mga senador upang mapabilis ang pag-apruba sa mga panukalang nakapaloob sa legislative agenda ng pangulo.
Una rito, iginiit ni Cayetano na kung hindi naniniwala ang mga senador na kulang ang tatlong taong serbisyo ng LGUs ay mas mabuting limitahan na rin sa tatlong taon ang kanilang termino.