Nagdulot ng flash floods sa Boracay Island ang malakas na ulang bunsod ng Bagyong Falcon.
Ang pagbaha sa isla ay sa gitna ng isinasagawang rehabilitasyon sa lugar.
Ilang residente sa Boracay ang nakunan ng larawan ang baha na hanggang baywang.
Pansamantalang hindi nadaanan ang bahagi ng main road ng Barangay Balabag dahil sa baha.
Ayon kay Catherine Fulgencio, municipal disaster risk reduction officer ng Malay, Aklan, binaha rin ang bahagi ng Barangay Yapak.
Samantala umabot hanggang 3 feet ang baha sa ibang lugar sa isla.
Kabilang sa binaha ang D’Mall commercial complex.
Sinabi ni Fulgencio na nakahandang ilikas ang mga residente sa ilang lugar sa Sitio Bulabog sa Barangay Balabag sakaling patuloy ang malakas na ulan.
Matapos ipasara ni Pangulong Rodrigo Duterte mula April 26 hanggang October 25, 2018, muling nagbukas sa mga turista ang Boracay.
Pero hindi pa tapos ang rehabilitasyon kabilang ang upgrading ng main road, drainage at sewerage system at kung hindi sa susunod na taon ay sa 2021 inaasahang matatapos ang pagsasaayos ng isla.