Bagyong Falcon, napanatili ang lakas habang papalapit sa Northern Luzon

Napanatili ng Tropical Storm Falcon ang lakas nito habang patuloy na lumalapit sa Northern Luzon.

Sa 11pm, July 16  press briefing ng PAGASA, huling namataan ang bagyo sa layong 195 kilometro Silangan Timog-Silangan ng Tuguegarao City, Cagayan.

Taglay pa rin nito ang lakas ng hanging aabot sa 65 kilometro bawat oras malapit sa gitna at pagbugsong aabot sa 80 kilometro kada oras.

Kumikilos ang bagyo pa-Kanluran sa bilis na 25 kilometro bawat oras.

Inaasahan pa rin na tumama ang bagyo sa pagitan ng Batanes-Babuyan area.

Sa ngayon ay nakataas ang Tropical Cyclone Warning Signal no. 2 sa:

–        Batanes

–        Hilagang-silangang bahagi ng Cagayan kasama na ang Babuyan Group of Islands.

Signal no. 1 naman sa:

–        nalalabing bahagi ng Cagayan

–        Ilocos Norte

–        Abra

–        Apayao

–        Kalinga

–        Isabela

–        Mountain Province

–        Ifugao

–        hilagang bahagi ng Aurora

–        hilagang bahagi ng Nueva Vizcaya

–        hilagang bahagi ng Quirino

Patuloy na hinahatak ng Bagyong Falcon ang Habagat na magpapaulan sa western sections ng bansa.

Ngayong gabi hanggang Miyerkules ng gabi ay mararanasan ang katamtaman hanggang malalakas na pag-ulan sa Ilocos Region, Cordillera Administrative Region, Cagayan Valley, Nueva Ecija, Aurora, Zambales, Occidental Mindoro, northern Palawan kasama ang Calamian at Cuyo Islands, Aklan, Antique, Capiz, Iloilo, at Guimaras.

Mahina hanggang katamtaman na paminsan-minsan ay malalakas na pag-ulan naman ang mararanasan sa Metro Manila, CALABARZON, Bicol Region, at nalalabing bahagi ng Visayas, Central Luzon, at MIMAROPA.

Mula naman Miyerkules ng gabi hanggang Huwebes ng gabi, katamtaman hanggang malalakas na pag-ulan ang iiral sa locos Region, Cordillera Administrative Region, at Cagayan Valley.

Mahina hanggang katamtaman na paminsan-minsan ay malalakas na pag-ulan naman ang mararanasan sa Metro Manila, Central Luzon, CALABARZON, at MIMAROPA.

Pinag-iingat ang mga residente sa nasabing mga lugar sa panganib ng pagbaha at pagguho ng lupa.

Sa Biyernes ng umaga, posibleng nasa labas na ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ang bagyo ngunit hahatakin pa rin nito ang Habagat.

Samantala, itinaas ngayon ng PAGASA ang Yellow Rainfall Warning sa Metro Manila, Bataan at Rizal dahil sa epekto ng Tropical Storm Falcon at Habagat.

Posible ang pagbaha sa mga mabababang lugar.

Mahina hanggang sa katamtamang mga pag-ulan naman ang nararanasan sa Tarlac, Nueva Ecija, Pampanga, Bulacan, Cavite (Bacoor, Kawit, Noveleta, Cavite City, Imus), Laguna (Santa Maria, Mabitac, Famy, Siniloan, Pangil, Pakil, Paete, Kalayaan, Lumban) at Quezon (General Nakar, Infanta, Real, Polillo Island at Mauban.

Mahina hanggang katamtamang mga pag-ulan naman ang mararanasan sa Batangas at ilan pang bahagi ng Cavite, Laguna at Quezon.

Pinayuhan ang publiko at Disaster Risk Reduction and Management Offices na bantayan ang lagay ng panahon at abangan ang weather advisory na ilalabas alas-2:00 ng madaling araw ng Miyerkules.

 

Read more...