Economic relation ng Pilipinas sa Iceland tuloy ayon sa Malacanang

Tiniyak ng Malacanang na tuloy pa rin ang umiiral na economic cooperation sa pagitan ng Iceland at Pilipinas.

Ito ay kahit na magpasya ang Pilipinas na putulin na ang ugnayan sa Iceland dahil sa resolusyon ng huli na paimbestigahan sa United Nations Human Rights Council ang anti-drug war campaign ni Pangulong Rodrigo Duterte sa pangambang nauwi na sa extra judicial killings.

Ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo, walang rason para putulin ang investment at economic relations ng dalawang  bansa dahil diplomatic ties lamang ang nakataya.

Wala rin aniyang dahilan para itigil ang pagnenegosyo kung pareho namang nakikinabang ang Iceland at pilipinas.

Kabilang sa mga investment ng Iceland sa Pilipinas ang Biliran Geothermal Incorporated na isang joint venture ng Filtech Energy Drilling Corporation at Orka Energy Philippines.

Sa pagkakaalam ni Panelo, aabot sa dalawang libong nurses, office at factory workers naman ang nagtatrabaho sa Iceland

Iginiit pa ni Panelo tuloy lamang ang operasyon at ligtas ang pagnenegosyo ng Iceland sa Pilipinas.

Una nang sinabi ni Panelo na seryosong ikinukunsidera ni Pangulong Duterte ang pagputol sa diplomatic relations sa Iceland dahil sa pagpapaimbestiga sa UNHRC sa anti- drug war campaign ng administrasyon.

Read more...