18 menor de edad nasagip sa Sampaloc, Maynila

Labingwalong mga batang palaboy ang nasagip ng mga otoridad sa lansangan sa Sampaloc, Maynila.

Ayon kay Police Capt. Edwin Fuggan, commander ng Lacson Police Community Precinct, nagsagawa sila ng operasyon sa simula Lunes (July 15) ng gabi sa mga lansangan sa Sampaloc kabilang ang España Boulevard at Tuazon St.

Sa isinagawang pag-iikot, nasagip nila ang 10 lalaki at 8 babae na pawang edad 9 hanggang 16.

Naaktuhan pa ang apat sa mga ito na gumagamit ng solvent habang ang iba pa ay mga nakatambay lang sa kalsada.

Ayon kay Fuggan, madalas ireklamo sa barangay ang mga batang snatcher at nag-iinuman sa kalsada.

Madalas din aniyang nagagamit ang mga kabataan ng mga sindikato para gumawa ng krimen at ang iba ay nabibiktima pa ng human trafficking.

Ibibigay sa pangangalaga ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang mga batang nasagip.

Read more...