Bagyong Falcon napanatili ang lakas; signal #1 nakataas pa rin sa 3 lugar sa bansa
Napanatili ng bagyong Falcon ang lakas nito habang kumikilos sa kanlurang bahagi ng bansa.
Huling namataan ang sentro ng Tropical Depression Falcon sa layong 690 km East ng Tuguegarao City, Cagayan.
Taglay ng bagyo ang lakas ng hanging aabot sa 55 kilometers bawat oras at pagbugsong aabot sa 65 kilometers bawat oras.
Kumikilos ang bagyo sa bilis na 30 kilometers bawat oras sa direksyong pa-kanluran.
Nakataas ang public storm warning signal number 1 sa Northern Isabela, Cagayan, at Batanes.
Ngayong araw, sinabi ng PAGASA na makararanas ng mahina hanggang katamtaman at kung minsan ay malakas na buhos ng ulan ang MIMAROPA, Western Visayas, Albay, Masbate, Sorsogon at Northern Samar dahil sa Habagat.
Bukas araw ng Miyerkules (July 17), katamtaman hanggang sa malakas n apag-ulan ang mararanasan sa Ilocos Region, Cordillera Administrative Region, Cagayan Valley, Zambales, Bataan at Mindoro Provinces dahil sa epekto ng bagyong Falcon at ng Habagat na palalakasin nito.
Mahina hanggang katamtamang pag-ulan din at kung minsan ay malakas na buhos ng ulan ang mararanasan sa Metro Manila, CALABARZON, Western Visayas, at nalalabing bahagi ng Central Luzon at MIMAROPA dahil sa Habagat.
Sa Huwebes (July 18), katamtaman hanggang malakas na buhos ng ulan pa rin ang mararanasan sa Ilocos Region, Zambales, Bataan at Mindoro Provinces.
At mahina hanggang katamtaman at kung minsan ay malakas na buhos ng ulan ang iiral sa Metro Manila, CALABARZON, at nalalabing bahagi ng Central Luzon at MIMAROPA.
Babala ng PAGASA ang mararanasang malalakas na buhos ng ulan ay maaring makapagdulot ng pagbaha at landslides.
Habang papalapit sa Extreme Northern Luzon ay inaasahang lalakas pa ang bagyong Falcon at magiging isang Tropical Storm.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.