Kaso ng Dengue sa Zamboanga City, nasa alert level na
Umakyat sa alert level ang mga kaso ng nagkakasakit ng Dengue sa Zamboanga City.
Ayon kay Health Officer Dr. Dulce Amor Miravite, umabot na sa 845 ang kaso ng dengue noong Hunyo na mas mataas kumpara sa alert threshold level na 536 cases.
Gayunman, hindi pa inirekomenda ng doktor ang pagdeklara ng dengue outbreak sa lungsod dahil ang bilang ay wala pa sa outbreak threshold level.
Nabatid na 19 na ang nasawi sa naturang sakit mula Enero hanggang noong nakaraang buwan.
Karamihan sa mga namatay ay mga menor de edad kung saan pinakabata ay 5 buwan na sanggol.
Nasa 12 naman sa nasawi ay mga babae at pito ang lalaki.
Umabot na sa 2,000 ang kaso ng dengue na naitala sa Zamboanga City sa unang 6 na buwan ngayong 2019.
Ito ay mas mataas kaysa sa kabuuang bilang ng dengue cases noong 2018 na nasa 1,995 na kaso.
Pina-igting na ang paglilinis sa mga barangay at ekswelaha kung saan mataas ang kaso ng dengue.
Nagsagawa na rin ng fogging bagamat ayon sa mga otoridad ay mas mabisa pa rin ang pagpuksa sa pinamamahayan ng lamok na may dalang Dengue.
Ang pinakahuling tala sa Zamboanga City ay kasabay ng pagdeklara ng Department of Health (DOH) ng national dengue alert araw ng Lunes dahil sa mabilis na pagdami ng kaso ng dengue sa ilang rehiyon sa bansa.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.