NDRRMC naka ‘blue alert’ na dahil sa Bagyong Falcon

Credit: Office of Civil Defense

Nasa ilalim na ng “blue alert status” ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) dahil sa Bagyong Falcon.

Sa ilalim ng blue alert, 50 porsyento ng mga tauhan ng NDRRMC ang obligadong nasa kanilang pwesto anumang oras at dapat ding mayroon ng emergency preparation.

Araw ng Lunes ay nag-convene na ang ahensya ng Pre-Disaster Risk Assessment Meeting at natalakay ang mga banta ng bagyo at ang paghahanda para tugunan ito.

Ang pulong ay dinaluhan ng mga kinatawan ng ilang departamento at ahensya ng gobyerno na may kaugnayan sa kalamidad.

Sa pulong ay nagbabala ang Mines and Geosciences Bureau (MGB) na ang malakas na ulang dulot ng bagyo ay maaaring magdulot ng landslides at flashfloods sa Ilocos, Cagayan Valley, Calabarzon, Central Luzon, Mimaropa, Bicol, Western Visayas, Central Visayas, Eastern Visayas, Cordillera Administrative, at National Capital Regions.

Hinimok ang mga lokal na pamahalaan sa nasabing mga rehiyon na magpatupad ng evacuation protocols sa mga lugar na may tinatawag na “high susceptibility ratings.”

Hinikayat din ang mga nagmimina na iwasan ang anumang mining activities sa mga lugar na may banta ng Bagyong Falcon.

Sa panig ng Department of Interior and Local Government (DILG), ibinaba na nila sa kanilang regional offices ang impormasyon na mula sa MGB at Pagasa.

Samanatala ang Department of Social Welfare ang Development (DSWD) ay may pre-positioned ng mga family food packs, emergency funds at iba pang food at non-food items.

Read more...