Ayon kay Leyte Rep. Martin Romualdez, tinitiyak ng pag-upgrade sa mga airport ang pantay-pantay na kaunlaran sa mga rehiyon na magpapalago sa ekonomiya.
Magandang pagkakataon aniya na samantalahin ang pagtutok ng administrasyong Duterte sa imprastraktura upang lumikha ng roadmap na magsisilbing gabay o strategic framework sa mga ipatutupad na polisiya sa transport development.
Kabilang sa mga isasailalim sa upgrade ay ang Tacloban airport na sinira ng Super Typhoon Yolanda noong 2013 kung saan bukod sa pagpapalawak sa runway ay paiigtingin rin ang night-flight capabilities.
Iginiit ni Romualdez na kakailanganing doblehin sa susunod na taon ang higit sampung bilyong pisong pondo para sa modernisasyon ng apatnapung paliparan kaya makakaasa umano ang Department of Transportation (DOTr) ng multi-partisan support partikular sa pag-apruba ng funding requirements.
Una rito, umapela si Transportation Secretary Arthur Tugade sa mga mambabatas na kumilos para hindi manatiling programa lang ang transport roadmap na bahagi ng inclusive growth agenda ng gobyerno.