Nagpanggap na pulis para mangikil ng PNP applicant, arestado sa Rodriguez, Rizal
Arestado ang isang lalaki na nagpapanggap na pulis at nangingikil kapalit ng ‘di umano’y trabaho sa Philippine National Police sa Rodriguez, Rizal.
Kinilala ang suspek na si Robel Yap Canlas, 59 anyos na huli sa aktong tumatanggap ng pera mula sa kanyang biktima.
Hinuli si Canlas kasunod na rin ng reklamo ng isang babaeng aplikante ng PNP.
Ayon sa hindi kinilalang biktima, nagpakilala ang suspek bilang SPO2 Gerome Canlas at pinangakuan siya na ipapasok sa PNP kahit na kulang sa height requirement kapalit ng P40,000.
Dahil napaniwala ni Canlas, nagbigay ang biktima ng hinihingi nitong halaga.
Sa halip na ibigay ang height waiver, humingi pa ang suspek ng P20,000 para pambayad naman diumano sa neuro at medical examinations.
Ang bayad ay ipinadaan ng suspek sa pamamagitan ng money transfer.
Noong July 14, muling humingi si Canlas ng P4,000 bilang processing fee at dito na humingi ng tulong sa PNP-Integrity Monitoring and Enforcement Group.
Nang maaresto nakuha sa bag ni Canlas ang isang kalibre 45, ilang mga bala at pekeng PNP ID at badge.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.