DOTr nagpaliwanag sa pagtataas ng red lightning alert sa NAIA kapag nakararanas ng malakas na pag-ulan

Nagpaliwanag ang Department of Transportation (DOTr) sa pagtataas ng red lightning alert sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) na nagdudulot kadalasan ng delay sa biyahe ng mga eroplano.

Ayon sa DOTr, itinataas ang naturang alerto kapag may nararanasang malakas na buhos ng ulan sa bahagi ng NAIA na may kaakibat na pagkulog at pagkidlat.

Sinabi ng DOTr, na layunin lamang nitong matiyak ang kaligtasan ng mga pasahero at empleyado ng paliparan.

Noon kasing June 25, isang ground personnel ng NAIA ang nasugatan matapos siyang tamaan ng kidlat habang nagtatrabaho sa ramp ng Terminal 1 ng paliparan.

Dahil dito, mahigpit na ipinatutupad ng DOTr, Manila International Airport Authority (MIAA) at Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) ang pagtigil ng ramp operations ng parehong aircraft at ground personnel sa tuwing naglalabas ang PAGASA ng “Red Lightning Alert.”

Umaasa ang DOTr ng pang-unawa at kooperasyon ng publiko upang mapanatiling ligtas ang biyahe ng mga eroplano at operasyon ng paliparan.

Read more...