Ayon sa pulisya, binugbog ang 14-anyos na si Christian Dela Cruz noong Martes bilang bahagi ng hazing ng “True brown style” na isang Street gang na pinangungunahan ni Brylle Daguiso.
Naghalinhinan ang mga miyembro ng gang sa pagsuntok kay Dela Cruz na namatay noong Miyerkules habang siya ay ginagamot sa Bulacan Medical Center sa bayan ng Malolos.
Ang biktima ay dumaing ng pananakit ng tiyan sa kaniyang magulang kaya siya dinala sa ospital.
May natanggap na tip ang pulisya na may initiation rites sa Brgy. Sta. Clara na nagresulta sa magkahiwalay na pag-aresto kay Daguiso, isang 15-anyos na lalaki at isang 17-anyos na babae.
Sumuko kalaunan ang isang 13-anyos na suspek habang hindi pa nahuhuli ang ikalimang suspek na 15-anyos.
“May mga miyembro ang TBS street gang sa iba’t-ibang bayan sa Bulacan at nire-recruit nila ang mga High School at College students at out-of-school-youth,” ayon kay Supt. Rodolfo Hernandez na Hepe ng Sta. Maria Police. / Len Montano