Nagdeklara ang pamahalaang bayan ng Culasi, Antique ng state of calamity dahil sa pagdami ng isang uri ng mapaminsalang starfish sa kanilang katubigan.
Ayon kay Cristopher Salao ng Basecamp Divers sa Panay, sinisira ng ‘crown-of-thorns’ starfish ang corals sa katubigan ng Culasi.
Humingi anya ng tulong ang pamahalaang lokal sa mga professional drivers sa buong bansa para alisin ang namemesteng starfish.
Sa dalawang-araw lamang na operasyon ng pitong divers, nasa 500 crown-of-thorns starfish ang nakuha sa katubigan ng dinadayong Mararison Island at Maniguin Island.
Pero ayon kay Salao, hindi lamang sa Culasi problema ang naturang starfish dahil marami ring ganito ang sumisira sa coral reefs sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Ang isang starfish anya ay kayang makasira ng six square meters ng coral reef kada taon.
Bukod dito, mapanganib din sa tao ang pagtusok ng tinik ng Crown-of-thorns na maaaring magdulot ng pamamaga, pananakit at pagsusuka na tatagal ng ilang araw.
Ayon sa mga eksperto, ang outbreak ng starfish ay posibleng resulta ng pagkasira ng food chain dahil sa over-fishing.