Tumama ang isang magnitude 7.3 na lindol sa Moluccas islands sa Eastern Indonesia araw ng Linggo.
Ayon sa US Geological Survey (USGS) ang episentro ng lindol ay sa 168 kilometro south southeast ng Ternate City at may lalim itong 10 kilometro.
Magnitude 7.2 naman ang sukat ng meteorology agency ng Indonesia sa nasabing pagyanig at hindi naman umano ito magdudulot ng tsunami.
Ayon sa disaster mitigation agency, isa ang nasawi bunsod ng lindol ngunit hindi naman sila nagbigay ng detalye.
Sa mga videos na kumalat sa social media ay makikita ang panic ng mga tao habang lumilindol kabilang ang pagtakbo ng mga ito palabas ng isang shopping mall sa Ternate habang nagsisisigaw.
“The earthquake was quite strong, sending residents to flee outside. They are panicking and many are now waiting on the roadside,” ayon kay local disaster mitigation official Mansur.
Nawalan din ng kuryente sa mga lugar na nilindol ngunit naibalik na ito sa normal ayon kay local disaster official Ihsan.
Matapos lamang ang higit apat na oras matapos ang magnitude 7.3 na lindol, nasa 30 aftershocks na ang naitala ng disaster agency.
Naganap ang pagyanig sa Eastern Indonesia ilang oras lamang matapos yanigin ng magnitude 6.6 na lindol ang bahagi ng Western Australia na nasa Timog ng bansa.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.