UNHRC resolution, maaring magamit ng gobyerno para linawin ang mga isyu sa war on drugs campaign – CBCP

Inquirer file photo

Maaring gamitin ng gobyerno ang resolusyon ng United Nations Human Rights Council (UNHRC) para linawin ang mga isyu sa kampanya kontra sa ilegal na droga ng administrasyong Duterte, ayon sa Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP).

Ayon kay Rev. Fr. Jerome Secillano, executive secretary ng CBCP Permanent Committee on Public Affairs, dapat gamitin ito ng gobyerno para patunayan sa mga mamamayang Filipino na walang nangyayaring paglabag sa karapatang pantao sa war on drugs.

Sa pagtanggi kasi aniya ng gobyerno, lumalabas na posibleng may itinatago sa madugong kampanya kontra sa ilegal na droga.

Sinabi pa nito na imbestigasyon lamang ang gagawin ng UNHRC para malaman ang katotohanan sa naturang kampanya.

Umaasa naman si Secillano na hahayaan ng gobyerno ang aksyon ng UNHRC sa pagsasagawa ng imbestigasyon sa bansa.

Matatandaang nasa 18 bansa ang pumabor sa resolusyon ng Iceland sa isinagawang UNHRC forum sa Geneva, Switzerlad noong araw ng Huwebes (July 11).

Read more...