Hindi bababa sa 13 Filipino ang hinarang sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 dahil sa pekeng boarding pass noong nakaraang linggo.
Ayon kay Grifton Medina, hepe ng Bureau of Immigration (BI) Port Operations Division, pasakay sana ang pitong lalaki at anim na babae sa kanilang Cathay Pacific flight patungong Hong Kong.
Nadiskubre aniya ng tauhan mula sa airline company na peke at hindi galing sa kanila ang iprinisintang mga boarding pass ng mga Pinoy.
Ani Medina, posibleng biktima ang mga pasahero ng scam na nagbebenta ng murang ticket dahil doon lamang din nila napag-alamang peke ang kanilang boarding pass.
Sa pakikipag-ugnayan naman ng Travel Control and Enforcement Unit ng ahensiya, itinuro ng mga biktima ang kanilang kasamahang babae na kumuha ng boarding pass sa isang “Jennifer.”
Lumabas din sa isinagawang beripikasyon na nakansela ang kanilang hotel bookings sa Hong Kong.
Dinala ang 13 pasahero sa Inter-Agency Council Against Trafficking para sa tulong at mas malalim na imbestigasyon sa insidente.