INC, binweltahan ang akusasyon ng dating ministro sa US
Binweltahan ng Iglesia ni Cristo ang mga akusasyon na ibinabato sa kanila ng dati nilang ministro na si Vincent Florida tungkol umano sa paggamit ng sekta ng pera ng mga miyembro nito para sa pansariling interes.
Una na kasing iginiit ni Florida na pinoprotektahan lamang niya ang kanilang simbahan sa pamamagitan ng paghahain ng tax case sa US Internal Revenue Service (IRS) gamit ang IRS Form 3949-A na nakalaan para sa pagsusumbong ng tax fraud, tulad ng pekeng exemptions, kickbacks, mga pekeng dokumento, hindi pagbabayad ng buwis, hindi tamang pagdedeklara ng kita at organized crime.
Sa pamamagitan kasi aniya nito, mas mahabang imbestigasyon ang tatahakin ng isyu para mabigyan ng mas mahabang panahon ang mga sangkot dito na makipag-ugnayan sa mga kinauukulan sa Amerika.
Sa panig ng INC sa pamamagitan ng kanilang tagapagsalita na si Edwil Zabala, wala umanong kredibilidad at sapat na ebidensya si Florida para patunayan ang kaniyang mga akusasyon.
Hindi na aniya sila nagtataka sa handang gawin ng mga naninira sa kanila para lang may maibatong akusasyon sa INC.
Ginagawa lang aniya ng mga ito ang lahat ng maaring gawin para mapansin ng media, na siya namang ipinagtataka nila dahil aniya, pinapatulan pa ito ng media kahit pa halos walang katuturan ang mga sinasabing paninira sa kanilang sekta.
Dagdag pa ni Zabala, hango lamang sa usap-usapan o ‘tsismis’ ang mga pinagsasabi ni Florida, kaya hinamon niya pa ito na sige lang sa paggamit ng kung anu-anong IRS forms, dahil iisa pa rin naman ang lalabas na resulta na siyang magpapatunay na wala silang ginagawang mali.
Inaaksaya lang aniya ni Florida ang panahon ng IRS sa mga akusasyon nito. Patuloy naman din ani Zabala ang kanilang pagdarasal na matigil na ang mga paninirang ibinabato sa kanila nang sa gayon ay mapag-tuunan na nila ng pansin ang kanilang mga programa.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.