Manila Police may 5 ‘persons of interest’ sa Metrobank robbery
Mayroong limang “persons of interest” ang pulisya kaugnay ng pagnanakaw sa Binondo brach ng Metrobank araw ng Huwebes.
Unang naiulat na pito ang suspek sa krimen pero sa press conference araw ng Biyernes ay iprinisinta nina Manila Mayor Isko Moreno Domagoso at Manila Police District (MPD) director Brig. Gen. Vicente Danao ang ilang CCTV footage na nag-establish na lima lamang ang suspek.
“Yung mga persons of interest po, bale lima po ito…there are five. Hindi po natin ma-identify pa sa ngayon lahat, because we are still on the process of identifying the culprits,” ani Danao.
Makikita sa iprinisinta nina Domagoso at Danao ang limang lalaki, lahat ay may suot ng natatakpan ang kanilang mga mukha, na madaling nakapasok sa bangko at lumabas kalaunan na may dalang mga bag pagkatapos ay tumakas ang mga suspek sakay ng motorsiklo.
Samantala, umapela si Mayor Isko sa limang nagnakaw na sumuko na ang mga ito kung mahal nila ang kanilang mga sarili.
Pinayuhan pa nito ang mga suspek na tumigil na sa kanilang gawain dahil kahit saang sulok sa Maynila ay hahanapin anya sila ng mga otoridad.
“Panawagan ko, kayong lima, sumuko na kayo. Kung mahal ninyo ang inyong mga sarili, sumuko na kayo. Yo’n lang naman. Ang payo ko tumigil na kayo sa criminal activities. [Kung] hindi niyo pakinggan ang payo ko, wag niyo namang gawin sa Maynila. Dahil kahit sa kasulok-sulukan ng mundong ito, hahanapin namin kayo,” pahayag ng Alkalde.
Iginiit naman ni Domagoso ang pabuyang P1 milyon para sa anumang impormasyon na magreresulta sa pag-aresto sa mga nanloob sa bangko.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.