Inilitanya ni Senator Joel Villanueva ang mga negatibong epekto ng pagdami ng Philippine Offshore Gaming Operators o POGOs.
Ayon kay Villanueva, bukod sa naaagawan ng trabaho ang mga Filipino, napipilitan ang ating mga kababayan na ilipat ang kanilang negosyo at lumipat ng tirahan dahil sa pagtaas ng upa o renta dulot ng POGOs.
Paliwanag ng senador, dahil marami ang naghahanap ng espasyo para sa POGOs, tumataas ang renta maging sa mga condominium units o tirahan sa mga lungsod ng Makati, Taguig at Pasay.
Nangangamba si Villanueva na mauungusan na ng POGOs ang mga call center sa pag-upa sa mga espasyo at pagdidiin pa nito, hindi naman nagkakaroon ng trabaho ang mga Filipino dahil karamihan sa mga nagta-trabaho sa POGOs ay mga Chinese national.
Unang inimbestigahan ng Senate Committee on Labor, sa pamumuno ni Villanueva, ang pagdagsa ng Chinese workers sa bansa at nadiskubre ang pagkukulang ng ilang ahensiya ng gobyerno para sana pakinabangan ang pagsigla ng POGO sa bansa kabilang na ang paniningil ng mga buwis.