8 babae nailigtas sa pambubugaw sa Pasig, Pateros

Nailigtas ng pulisya ang walong babae na kinabibilangan ng apat na menor de edad sa magkahiwalay na anti-human trafficking operations sa Pasig at Pateros araw ng Huwebes.

Nilusob ng mga operatiba ng PNP – Women and Children Protection Center (WCPC) ang isang motel sa Pasig kung saan ibinugaw ang apat na babae sa isang pulis na nagpanggap na customer.

Agad na inaresto ang bugaw na nakilala sa alyas na ‘Lovely’ at nailigtas ang apat na babae kung saan dalawa ay menor de edad.

Sa isang motel din sa Barangay Santo Rosario sa Pateros nailigtas ang apat pang babae.

Ayon kay PNP – WCPC Luzon field unit chief Police Lt. Col. Samuel Mina, inaalok ang mga biktima sa pamamagitan ng Facebook.

Ilan sa mga ibinubugaw umano ay estudyante 16 anyos pababa at ipinopost online ang kanilang mga larawan para pagpilian ng mga customer.

Kasalukuyang nasa kustodiya ng WCPC ang mga nailigtas na babae at sasailalim sila sa debriefing.

Sasampahan ng kasong paglabag sa Anti Child Abuse Law at Expanded Anti-Trafficking in Persons Act of 2003 ang nahuling mga bugaw.

 

Read more...