Tagal ng pamamalagi ng foreign workers sa Pilipinas nilimitahan na

NCRPO file photo

Nilimitahan na ng gobyerno ng Pilipinas ang tagal ng pamamalagi ng mga dayuhang manggagawa sa bansa na pinagkalooban ng special working permits.

Ito ay bilang bahagi ng mas pinalakas na kampanya ng pamahalaan laban sa illegal aliens na nagtatrabaho sa bansa.

Kahapon, araw ng Huwebes, nilagdaan ng Department of Labor and Employment (DOLE) at iba pang government agencies ang isang Joint Memorandum Circular na layong higpitan ang employment process ng mga dayuhan sa bansa.

Ayon kay Dominique Rubia-Tutay ng DOLE Bureau of Local Employment, ang special work permits ng foreign workers ay hindi na magiging renewable at tatagal lamang ng hanggang anim na buwan.

Kailangan na rin ng mga dayuhang manggagawa na kumuha ng Tax Indentification Number (TIN) mula sa Bureau of Internal Revenue (BIR).

Ayon kay Finance Secretary Carlos Dominguez, lahat ng nagtatrabaho sa Pilipinas ay dapat magbayad ng buwis dahil maging ang mga Filipino sa ibang bansa ay nagbabayad din naman ng buwis.

Kailangan din kumuha ng foreign workers ng Certificate of No Derogatory Information mula sa National Intelligence Coordinating Agency.

Naniniwala si Labor Secretary Silvestre Bello III na dahil sa paghihigpit ay marami nang mahuhuling illegal workers sa bansa.

 

Read more...