Malacañang: Lahat ng Filipino dapat magnais maibalik ang kontrol ng Pilipinas sa WPS
Lahat dapat ng Filipino ang magnais na maibalik ang kontrol ng gobyerno ng Pilipinas sa mga inookupang isla ng China sa West Philippine Sea.
Ito ang pahayag ng Palasyo ng Malacañang araw ng Huwebes ukol sa resulta ng survey ng Social Weather Stations (SWS) na nagsasabing 93 percent ng mga Filipino ang nagnanais maibalik sa Pilipinas ang kontrol sa mga pinag-aagawang mga isla.
“Dapat nga 100 percent. Lahat ng Filipino dapat would want to have control over the areas that are supposed to be ours,” pahayag ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo.
Sa kabila nito, iginiit ni Panelo na may problema ang bansa sa teritoryo dahil inaangkin din ito ng China.
Sa ngayon anya ay walang ibang solusyon kundi daanin sa diplomatikong negosasyon ang isyu batay na rin sa desisyon ni Pangulong Rodrigo Duterte.
“But the reality is, may problema tayo doon because China claims to own it too. Eh sa ngayon, dahil nga may problema on the claim of ownership, dadaanin natin sa diplomatic negotiations. That’s the track that the President has decided, ani Panelo.
Magugunitang muling umusbong ang tensyon sa pagitan ng China at Pilipinas noong Hunyo matapos banggain ng isang Chinese vessel ang bangkang pangisda ng 22 mangingisdang Filipino sa Recto Bank.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.