Cong. Alfred delos Santos iniimbestigahan na dahil sa pagsuntok sa isang waiter

Facebook photo

Nagsasagawa na ng imbestigasyon ang Ang Probinsyano Partylist sa pananapak na ginawa ng kanilang kinatawan na si Rep. Alfred delos Santos.

Ayon sa tagapagsalita ng grupo na si Atty. Joco Sabio, iniimbestigahan na nila ang insidente ng pananapak ng waiter ng kanilang first nominee na si Delos Santos.

Tiniyak nito na hindi nila kukunsintihin ang anumang pag-abuso sa kapangyarihan ng kanilang nominees.

Sinabi Sabio, hindi sila magdadalawang-isip na suspendihin o tanggalin si Delos Santos kung mapapatunayang walang dahilan ang ginawa nito.

Pagpapaliwanagin anya nila si Delos Santos bago sila magdesisyon kung anong nararapat na aksyon.

Aminado ang Ang Probinsyano na dismayado sila sa nangyari at sisikapin daw nilang hindi na maulit ang ganitong insidente.

Una rito, ipina-blotter ng waiter na si Christian Kent Alejo, 20-anyos si Delos Santos matapos umano siyang sapakin noong July 7 sa Bigg’s Diner sa Legazpi City.

Read more...