Pampasaherong bus sumampa sa harang ng tulay sa NLEX northbound, 5 ang sugatan

Sugatan ang limang katao makaraang sumampa sa harang ng tulay sa northbound lane ng North Luzon Expressway ang isang pampasaherong bus malapit sa San Fernando, Pampanga exit.

Ayon kay NLEX Traffic Manager Robin Ignacio, nangyari ang aksidente halos 2 kilometro ang layo sa San Fernando exit northbound pasado alas 9:00 ng umaga ng Huwebes (July 11).

Binabagtas ng Philippine Rabbit Bus ang NLEX nang sumampa ito sa tulay at tumukod ang unahang bahagi nito sa kalsada sa ilalim ng tulay.

Nabagsakan pa ng unahang bahagi ng bus ang likuran ng isang sasakyan na nasa ilalim ng tulay.

Ayon kay Ignacio, pawang minor injuries lamang naman ang natamo ng mga nasugatan.

Damay din sa aksidente ang dalawang truck at apat pang class 1 na sasakyan.

Nagdulot ng matinding traffic sa NLEX northbound ang nasabing aksidente.

Read more...