Sa press briefing sa Cagayan de Oro City araw ng Miyerkules, inihayag ni Albayalde na batay sa latest death toll sa drug war, 6,600 ang nasawi sa shootout sa pulisya habang 240,565 ang naaresto simula July 2016.
Sinabi ng PNP chief na 2.6 percent lamang ang namatay kumpara sa mga naaresto.
“These are merely 2.6 percent, it is not even three percent compared to those arrested,” ani Albayalde.
Ani Albayalde, taliwas ang datos sa pinalulutang ng human rights groups at iba pang kritiko na puro patayan ang nagaganap sa police operations.
Sagot ito ng PNP chief sa pagpapahayag ng pagkaalarma ng Amnesty International (AI) sa pagpatay sa mga drug suspects sa bansa.
Nauna nang sinabi ni Albayalde na pinupulitika lamang ng AI ang drug war ng gobyerno.
Wala anyang ibang opsyon ang mga pulis kundi ipagtanggol ng kanilang mga sarili kung nalalagay ang kanilang mga buhay sa panganib sakaling manlaban ang mga suspek.