Nagkaharap na sa Palasyo ng Malacañang kagabi (July 10) sina Pangulong Rodrigo Duterte at Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) chief minister Al-Hajj Murad.
Kasama sa pagpupulong ang 12 minister at si Agriculture Secretary Manny Piñol na magiging point person ng central government sa BARMM.
Ayon kay Murad, nilinaw ni Pangulong Duterte sa kanila na hindi makikialam si Piñol sa trabaho o operasyon ng BARMM kundi magsisilbi lamang extension ng kanyang supervisory work para anuman ang kailangang tulong ng BARMM ay mabilis na maipararating sa kanya sa pamamagitan ni Piñol.
Sinabi pa ni Murad na welcome naman kanila ang pagtatalaga kay Piñol basta sa paraan lamang na itinakda ng pangulo ang magiging papel nito.
Kasabay nito, naimbitahan na rin si Murad na makisalo sa hapunan ng Sultan ng Johor, isa sa mga states ng Malaysia.
Matatandaang sinabi ng pangulo na ililipat si Piñol mula sa DA patungo sa Mindanao Development Authority.
Pero ayon sa pangulo, kailangan muna niyang makausap si Murad bago ang reassignment kay Piñol.