Sentimyento ng Sweden Envoy sa rape joke ni Duterte naiintindihan ng Palasyo
Umaapela ang Palasyo ng Malacañang kay Sweden Ambassador to the Philippines Harald Fries na tingnan ang konteksto ng rape joke ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo, naiitindihan ng Palasyo ang sentimyento ni Fries nang sabihin nitong hindi nakakatawa ang rape joke ng pangulo.
Pero ayon kay Panelo, hindi dapat husgahan ang pangulo batay sa kanyang mga salita bagkus batay dapat sa kanyang mga nagawa.
Iginiit pa ng kalihim na inirerespeto ng pangulo ang mga kababaihan at ang abilidad ng mga ito dahilan ng pagtatalaga sa mga matataas na posisyon sa gobyerno at sa hukuman.
Ibinida pa ni Panelo ang mga nilagdaang batas ng pangulo na nagbibigay ng halaga sa mga kababaihan gaya halimbawa ng Expanded Maternity Leave Act at Kalusugan at Nutrisyon ng Mag-nanay Act.
Sa ilalim din anya ng administrasyon nailuklok ang Pilipinas sa Global Gender Gap Report 2018 ng World Economic Forum bilang Most Gender-Equal nation sa Asya.
Ayon kay Panelo, patunay lamang ang mga ito na committed ang pamahalaan na magbigay sa mga Filipina ng nararapat na pagkilala dahil sa mga ambag sa bawat tahanan, lugar sa paggawa, komunidad at pagpapaunlad ng bansa.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.