Isa sa dalawang suicide bomber sa Sulu, Pinoy – PNP

Isiniwalat ng Philippine National Police (PNP) na Filipino ang isa sa dalawang suicide bomber sa kambal na pagsabog sa kampo ng militar sa Indanan, Sulu.

Sa joint press conference ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at PNP, sinabi ni PNP spokesman Police Col. Bernard Banac na tugma ang DNA sample ng hinihinalang suicide bomber na si Norman Lasuca sa kaniyang ina na si Vilma Lasuca.

Lumabas sa resulta ng DNA examination na 99.99 percentage probability match sa nakuha DNA sample sa umano’y suicide bomber at Vilma.

Isinagawa ang DNA examination ni Forensic DNA Analyst Police Maj. Florepes Pallado sa PNP Crime Laboratory Office 11.

Samantala, sinabi ni Banac na hindi pa tiyak ang pagkakakilanlan at nasyonalidad ng isa pang suicide bomber.

Patuloy pa aniya ang pagkuha ng DNA samples para rito.

 

Read more...