Sa kanyang Philippine Independent Film Incentives Act of 2019, gusto ni Poe na mabigyan ng hanggang P5 milyon insentibo ang makakagawa ng mga award-winning films.
Aniya sa ganitong paraan ay makakadiskubre at makakahikayat ng mga mahuhusay na Filipino film makers na makagawa ng mga ‘obra’ na pelikula, kasama na ang mga tinatawag na ‘indie films.’
Nakasaad sa panukala na bukod sa cash incentives, hindi na pagbabayarin ng buwis ang mga producer kapag ipinalabas na sa mga sinehan ang pelikula na dapat din ay may ‘A’ rating mula sa Cinema Evaluation Board.
Samantala, inihain din ni Poe ang Philippine Film and Television Tourism Act of 2019 na layon naman makalikha ng mga trabaho at maipakita ang mga natatanging ganda ng Pilipinas.
Ayon kay Poe malaki ang utang ng loob ng kanyang pamilya sa industriya kayat nais nitong maibalik ang dating sigla at kita sa paggawa ng mga de-kalidad na pelikula.