Hepe ng Bulacan Police handang sumailalim sa imbestigasyon sa kampanya kontra ilegal na droga
Bukas si Bulacan Governor Daniel Fernando sa anumang imbestigasyon kaugnay ng anti-illegal drug campaign sa lalawigan.
Kaugnay ito ng pagtawag ng Amnesty International report sa Bulacan bilang “bloodiest killing field” sa dami ng mga napapatay sa kampanya kontra droga.
Ayon kay Fernando hindi papayagan na umiral ang kultura ng karahasan sa kaniyang lalawigan at dapat aniyang managot sa batas ang mga dapat managot.
Kaugnay nito, sinabi ng gubernador na nagpatawag na siyang ng emergency meeting sa hepe ng pulis sa lalawigan.
Samantala, dumipensa naman ang hepe ng Bulacan Police Provincial Office sa pahayag ng AI kaugnay ng mga napapatay sa kampanya laban sa iligal na droga sa probinsya.
Ayon kay Police Colonel Chito Bersaluna, director ng Bulacan Police, ‘di hamak na mas marami ang naaaresto at sumusuko kung ikukumpara sa bilang ng mga napapatay.
Base sa record ng Bulacan-PNP, mula Enero 1 hanggang Hunyo 13 ay may kabuuang 848 na anti-drug operations ang isinagawa sa probinsya.
Aabot naman sa 1,216 ang naaresto at nasa 123 ang napatay sa operasyon.
Aniya pa, nagresulta rin ito sa pagkakakumpiska ng 3,295 na sachet ng shabu, 401 na sachet ng marijuana at 144 na baril.
Nagpahayag din si Bersaluna ng kahandaan na sumailalim sa imbestigasyon sa kampanya sa iligal na droga sa kanyang nasasakupan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.