Aabot sa halos 3.5 milyong turista ang bumisita sa bansa sa unang limang buwan ng 2019 ayon sa Department of Tourism (DOT).
Sa datos ng kagawaran, umabot sa 3,489,270 ang foreign tourists na pumunta sa Pilipinas mula Enero hanggang Mayo, mas mataas ng 9.76 percent sa kaparehong panahon noong 2018.
Ikinagalak ni Tourism Secretary Bernadette Romulo- Puyat ang bilang ng tourist arrivals na halos malapit nang umabot sa 3.5 million mark.
“The numbers are very encouraging. From 3,178,984 tourists recorded from January to May in 2018, we are already close to breaching the 3.5 million mark this year,” ani Puyat.
Ayon sa kalihim, ipinapakita lamang nito na pwedeng pagsabayin ang pangangalaga sa kalikasan at ang pagpapaunlad sa ekonomiya.
Noong Mayo lamang anya ay lumago ng 15.62 percent ang foreign tourist arrival na pinakamataas na month-per-month growth rate para sa taong ito, o mula sa 537,743 noong May 2018 sa 621,719 ngayong taon.
Nananatiling top source market ng Pilipinas ang South Korea na may 788,530 tourist arrivals.
Pumangalawa ang China sa 733,769; ikatlo ang Estados Unidos sa 472,469; pang-apat ang Japan sa 281,988 at panglima ang Taiwan sa 128,986.
Kasama rin sa top source markets ng bansa sa tourist arrivals ang Australia, Canada, United Kingdom, Singapore at Malaysia.