DOH: Bilang ng kaso ng dengue lumobo ngayong 2019
Dumoble ang bilang ng mga kaso ng dengue sa bansa sa unang 6 na buwan ng taong 2019.
Ayon sa Department of Health (DOH), umabot na sa 98,179 ang kaso ng dengue mula Enero hanggang Hunyo at 428 sa mga ito ay namatay.
Ang bilang ay mas mataas kaysa 53,475 na dengue cases na naitala sa parehong panahon noong nakaraang taon.
Sa Iloilo kung saan mayroong dengue outbreak, nagkakaubusan na ng mga kama sa mga ospital dahil sa dagsa ng mga pasyente partikular sa Ramon Tabiana Memorial District Hospital.
Nasa 4,303 ang mga nagkasakit ng dengue sa lalawigan mula Enero hanggang Hunyo at 20 na ang nasawi na mas mataas kumpara sa 400 kaso sa parehong panahon noong 2018.
Sa Cotabato naman ay naitala ang 3,350 dengue cases na doble sa nakaraang bilang habang sa Caraga region ay umakyat sa 6,100 ang kaso ng dengue mula sa dating 1,089.
Naitala rin ang pagdami ng mga nagkasakit ng dengue sa Northern Mindanao na ngayon ay nasa 10,290 na.
Ayon kay Health Secretary Francisco Duque III, mayroong bagong bakuna laban sa dengue na isinailalim na sa clinical trial.
Gayunman ay wala pang ibang detalye ang Kalihim sa bagong dengue vaccine.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.