Pondo ng gobyerno hindi apektado sa term-sharing sa speakership ayon sa Malacanang
Tiniyak ng Malacanang na hindi na maaantala ang pagpasa sa pambansang budget.
Ito ay matapos ihayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na magkakaroon ng term sharing sa pagka speaker sina Taguig Congressman Alan Peter Cayetano at Marinduque Congressman Lord Allan Velasco.
Ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo, base sa pagpupulong kahapon sa palasyo, tiniyak nina Cayetano at Velasco na hindi maapektuhan ang pagpasa sa budget.
Matatandaan na makailang beses na naantala ang pagpasa ng 2019 national budget dahil sa kwestyunableng insertion sa pondo.
Hindi rin aniya maaapektuhan ang committee chairmanship at magpapatuloy lamang sa trabaho ang mga kongresista kahit na palitan na si Cayetano ni Velasco matapos ang labing limang buwan.
Ayon kay Panelo, maaring kay Pangulong Duterte galing ang ideya na labinglimang buwang manunungkulan si Cayetano bilang speaker habang dalawampu’t isang buwan naman si Velasco.
Pero ayon kay Panelo, kahit na inindorso na ni Pangulong Duterte ang speakership nina Cayetano at Velasco, ang mga kongresista pa rin ang magpapasya kung sino ang kanilang magiging lider sa pamamagitan ng botohan sa plenaryo.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.