4 na Customs officials sisibakin ni Duterte sa pwesto ngayong linggo
Apat pang opisyal ng gobyerno ang sisibakin sa pwesto ni Pangulong Rodrigo Duterte dahil sa alegasyon ng korapsyon.
Sa kanyang talumpati kagabi sa oath-taking ng bagong government appointees sa Malacañang, inanunsyo ng presidente ang planong pagsibak sa apat na customs officials ngayong linggo.
Dismayado ang pangulo sa nagpapatuloy na korapsyon sa gobyerno sa kabila ng banta na ihinto na ito.
Babala ng pangulo, uubusin niya ang mga korap.
“Hindi pa mahinto itong corruption. Kasasabi ko lang, nandito na naman. May apat pa this week customs na naman. Ubusin ko talaga ‘yan. Sabi nila hindi ma-kontrol ang corruption? Eh tingnan natin,” pahayag ni Duterte.
Magugunitang una nang nagbabala ang pangulo na ipapalit ang mga sundalo sa mga korap na opisyal sa BOC dahil sa kanyang pagkadismaya sa talamak na korapsyon sa ahensya.
Sa kanyang talumpati kagabi muling inihayag ni Duterte ang babala sa mga opisyal kabilang ang bagong mga talaga na huwag gumawa ng korapsyon at iba pang pang-aabuso.
Inutusan din ang mga opisyal na gumawa ng mga hakbang para mabawasan ang red tape at sinabing magbitiw na lamang ang mga ito kung hindi mapapabilis at mapapaganda ang serbisyo publiko.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.