Gov. Fernando malungkot sa taguring ‘bloodiest killing field’ ang Bulacan
Ikinalungkot ni Governor Daniel Fernando ang ulat ng Amnesty International kung saan tinawag na ‘bloodiest killing field’ sa bansa ang Bulacan.
Sa isang pahayag, sinabi ni Fernando na maraming dahilan sa likod ng nasabing ulat.
Iginiit ng gobernador na tiyak ang suporta ng kanyang adminsitrasyon sa giyera kontra droga ngunit dapat ay bigyan ding pansin ang mga insidente ng paglabag sa karapatang pantao.
“Nakakalungkot isipin na matagurian ang Bulacan bilang ‘bloodiest killing field’ kung saan marami sa ating mga kababayan ang nasawi sa war on drugs. Maraming kadahilanan kung bakit nangyayari ito, at tayo ay tiyak na sumusuporta sa laban kontra droga, gayunpaman ay dapat bigyan ng pansin kung mayroong naging paglabag sa karapatang pantao,” ani Fernando.
Sinabi pa ni Fernando na sa paghahangad ng kapayapaan ay dapat unahing matiyak ang kaligtasan ng mga mamamayan.
Ito ay sa pamamagitan anya ng pagtutok sa mga sanhi at ugat ng kriminalidad.
Ani Fernando, sineseryoso niya ang isyu at tatalakayin ito sa mga concerned officials at ahensya.
Ayon sa Amnesty International, tumaas ang bilang ng drug-related killings sa Bulacan sa nakalipas na 18 buwan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.