Malacanang pabor sa resulta ng imbestigasyon ng PCG at Marina sa Recto Bank incident

Inquirer photo

Hindi minamaliit ni Pangulong Rodrigo Duterte ang insidente sa Recto Bank kung saan binangga ang bangka ng dalawampu’t dalawang mangingisda at iniwan sa gitna ng karagatan ng Chinese crew.

Pahayag ito ng palasyo matapos lumabas ang resulta ng imbestigasyon ng Maritime Industry Authority (Marina) at Philippine Coast Guard na “serious marine casualty” ang Recto Bank incident at hindi kagaya ng naging pahayag ni Pangulong Duterte na isang maliit na maritime accident o incident lamang.

Ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo, walang kontradiksyon sa pahayag ng pangulo at ng report ng Marina at PCG.

Iginiit pa ni Panelo na tama naman ang report ng PCG at Marina dahil seryoso naman talaga ang nangyaring banggaan lal nat nalagay sa bingit ng alanganin ang buhay ng mga Filipinong mangingisda nang iwan na lamang ng Chinese crew sa gitna ng karagatan.

Paliwanag ng pangulo, ang tinutukoy ng pangulo na maliit na maritime accident  na nangyari sa Recto Bank ay nangangahulugan na hindi ito dapat pagmulan ng international maritime crisis.

Malinaw naman aniya ang polisiya ng pangulo na dapat na managot ang mga Chinese na sangkot sa insidente dahil sa pag-abandona nila sa mga Pinoy sa gitna ng karagatan.

Read more...