Mga suspek sa pagpatay sa hukom sa Zamboanga del Norte kinasuhan na

Ipinagharap na sa korte ng kasong murder ang mga suspek sa pagpatay sa isang hukom sa Zamboanga del Norte noong May 9, 2019.

Si Judge Reymar Lacaya ng Liloy Regional Trial Court Branch 28 ay binaril sa labas lamang ng Hall of Justice ng Liloy.

Sa tatlong pahinang resolusyon na may petsang June 28, 2019 na pirmado ni Zamboanga del Norte Provincial Prosecutor Gabino Saavedra II, partikular na kinasuhan ng murder si Juliver Cabating, at dalawang iba pang respondent na nakilala lamang sa alyas na Jerry at Ramil.

Si Cabating na patuloy pa ring pinaghahanap ng mga otoridad ay kawani umano ng DPWH na naka-detail sa Liloy RTC 28.

Hinala ng mga otoridad, siya ang tumayong look-out sa krimen.

Kumbinsido ang piskalya na sapat ang mga pinagbatayan nilang circumstantial evidence para ihabla ang mga respondent.

Kabilang na sa ebidensya ay ang CCTV footage kung saan makikita ang presensya nina Jerry at Ramil na mga hinihinalang gunmen malapit lamang sa Liloy Hall of Justice bago at pagkatapos maganap ang krimen.

Sila rin daw ang nakita ng mga testigo na tumatakbo mula sa pinangyarihan ng pamamaril, isa sa kanila ay may hawak na baril at patungo sa creek malapit sa motor pool na minamantine ng DPWH.

Nakita rin daw ang dalawa na kausap ni Cabating at ng isang Isabelo Tabasa sa isang lechon house bago ang pamamaril.

Kasama rin sa pinagbatayan ay ang pag-alis ni Juliver sa korte bago ang insidente, at ang kanyang pagtakas mula sa Liloy pagkatapos ang pamamaslang.

Naniniwala rin ang piskalya na nagsabwatan ang tatlong respondent para paslangin si Judge Lacaya.

Naihain na ang kaso sa Liloy RTC noong July 2, 2019.

Si Lacaya ay presiding judge ng RTC ng Sindangan, Zamboanga del Norte pero siya ay itinalaga bilang Acting Presiding Judge ng Liloy matapos alisin sa pwesto roon ang orihinal na hukom dahil sa umano’y iregularidad.

Kasama umano sa mga inilabas na kautusan ng pinaslang na hukom ay ang muling pagpapaaresto sa ilang mga akusado sa droga na nakalaya dahil sa pyansa.

Nadiskubre raw kasi na walang idinaos na bail hearing bago aprubahan ang pyansa ng ilang mga akusado sa droga.

Read more...