PAGASA nanawagan sa publiko na magtipid pa rin ng tubig
Sa kabila ng pag-apaw ng Angat Dam na isa sa mga pinagkukunan ng tubig ng Metro Manila at mga kalapit na probinsya, nagpaalala pa rin ang Philippine Atmostpheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) sa mga taga-Metro Manila na magtipid ng tubig.
Ayon sa PAGASA hydrometeorogical division, sa pag-apaw ng Angat Dam, nangangahulugan ito na kaya na nitong suportahan ng sapat na supply ng tubig ang Metro Manila at mga kalapit na probinsya nito sa tag-init na dala ng El Niño.
Matatandaang kinailangan pang magpakawala ng tubig ng Angat Dam simula pa noong Huwebes na siyang nagdulot ng matinding pagbaha sa Bulacan dahil sa mabilis na pag-apaw nito.
Gayunman, ayon kay PAGASA hydrologist Danny Flores, kailangan pa ring magtipid at huwag mag-aksaya ng tubig ang publiko upang matiyak na magiging sapat ito at aabot ito hanggang sa tag-init.
Ani Flores, titigil lamang sa pagpapakawala ng tubig ang dam kung babagal na ang daloy ng tubig papasok dito at kung wala nang ulan na bubuhos sa watershed.
Ngunit, hindi pa nila matiyak kung kailan ito mangyayari dahil may namataan silang cloud formation na patungo sa Angat Dam watershed.
Samantala, umapaw at nagpakawala rin ng tubig ang Magat Dam sa Ramon, Isabela, nitong Lunes.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.