PNP chief Albayalde, sinibak sa pwesto ang isang pulis sa San Juan

Photo grab from PNP chief Gen. Oscar Albayalde’s Facebook page

Ipinag-utos ni Philippine National Police (PNP) chief, Gen. Oscar Albayalde na tanggalin ang pulis na nag-viral sa social media dahil sa pananakot na arestuhin ang isang lalaki sa pambabastos sa kaniya noong Sabado ng gabi.

Nakilala ang pulis sa viral video na si Police Senior Master Sergeant Arnulfo Ardelas.

Sa reklamo na isinampa ni Aaron Estrada, nagalit umano sa kaniya si Ardelas dahil sa pambabastos sa kaniya habang bumibili ito sa isang tindahan sa bahagi ng Aurora Boulevard sa Barangay Ermitaño, San Juan.

Makikita sa video na galit at nagmumura si Ardelas sa tindahan matapos diumano nitong harangan ni Estrada habang bumili.

Hiningi ng pulis ang ID ng sibilyan at sinabihang sumama sa kaniya.

Agad nakarating sa opisina ni Albayalde ang insidente kung kaya agad nitong pinatanggal sa pwesto si Ardelas sa District Headquarters Service Unit ng Eastern Police District (EPD).

Patuloy naman ang isinasagawang imbestigasyon sa insidente.

Read more...