14 patay, 180 sugatan sa car bomb sa Afghanistan
Patay ang 14 katao habang sugatan ang mahigit 180 iba pa sa naganap na pag-atake sa central Afghanistan, araw ng Linggo.
Ayon sa mga otoridad, nagpasabog ng isang car bomb ang grupong Islamist Taliban malapit sa opisina ng intelligence service at National Directorate for Security (NDS) sa Ghazni city.
Ayon sa mga health official, kabilang sa mga nasawi ang anim na sibilyan at walong miyembro ng NDS.
Nasugatan naman ang 180 katao kasama ang 60 estudyante sa malapit na pribadong eskwelahan matapos mataan ng mga nasirang mga bintana at pintuan.
Nangangamba naman si Health Director Zaher Shah Nekmal na maari pang tumaas ang bilang ng mga nasawi at nasugatan sa insidente dahil hindi pa ito ang huling report na natatanggap ng kanilang opisina.
Samantala, sa inilabas na pahayag ng tagapagsalita ng Taliban na si Zabihullah Mujahid, inako nito ang responsibilidad sa pambobomba sa Ghazni city.
Naganap ang pag-atake ilang oras bago magsimula ang pagpupulong sa Qatar ng mga pinuno ng Taliban at mga delegado ng Afghanistan para pag-usapan ang pagpapaigting ng kapayapaan sa bansa.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.