Kasong criminal at reckless imprudence resulting in damage to property ang maaring isampang kaso ng Pilipinas laban sa Chinese crew na bumangga sa bangka ng 22 mangingisda sa Recto Bank.
Ito ay dahil sa pag-abandona ng Chinese crew sa mga Pilipinong mangingisda sa gitna ng karagatan.
Sa panayam ng Radyo Inquirer, Sinabi ni Presidential Spokesman at Chief Presidential Legal Counsel Salvador Panelo na ang problema ngayon ay hindi pa nakikilala ang kapitan at mga Chinese crew na sangkot sa insidente.
Ayon kay Panelo, puro “John Doe” o unknown ang magiging respondent sa kaso.
Kasama rin aniya sa asunto ang may-ari ng Chinese fishing vessel.
Sa ngayon, sinabi ni Panelo na mas makabubuting hintayin muna na ilabas ng China ang resulta ng kanilang imbestigasyon.
Kung aaminin aniya ng Chinese crew ang insidente, dapat na managot sila at magbayad ng karampatang danyos.
Pero sa ngayon, sinabi ni Panelo na hindi pa niya nakikita ang opisyal na resulta ng imbestigasyon sa Recto Bank incident.