Bigo ang barko ng China na gumawa ng paraan para maiwasang tamaan at palubugin ang bangka ng mga mangingisdang Pilipino na naka-angkla sa Recto Bank sa West Philippine Sea noong June 9.
Ito ang nakasaad sa 13 pahinang joint investigation report ng Philippine Coast Guard (PCG) at Maritime Industry Authority (Marina) na isinumite sa Malakanyang noong June 20.
Batay sa Rule 18 ng Collision Regulations or Convention on the International Regulations for Preventing Collisions at Sea (Colreg), dapat na umiwas ang tinatawag na power-driven vessel, gaya ng Chinese vessel, sa mga sasakyang panglayag na nakahinto o walang kakayahang mag-maneuver.
Binanggit sa report ang kabiguan ng Chinese vessel na tulungan ang 22 mangingisda na inabanduna sa gitna ng karagatan.
Ayon pa sa PCG-Marina report, sa pamamagitan ng pag-atras at pagtigil 50 metro ang layo mula sa Gem-Ver 1 na noon ay may mga nakasinding ilaw, makukunsidera na alam ng barko ng China na nasa peligro ang bangka ng mga Pinoy.
Dahil umano sa kabiguang tumulong, hindi sinunod ng barko ng China ang regulasyon ng United Nations Convention of the Law of the Sea (UNCLOS) at International Convention for the Safety of Life at Sea (SOLAS).
Itinuring din sa report na ang insidente ay “very serious marine casualty” na taliwas sa pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na isa lamang itong maliit na pangyayari sa dagat.
Pero sinabi rin sa report na may mga pagkakamali rin ang bangka ng Pilipinas gaya ng kabiguang magkaroon ng look-out, pagkakaroon ng hindi lisensyadong chief engineer officer, overaloading, expired BFAR commercial fishing vessel/gear license at expired BFAR certificate of clearance.
Hindi naman malinaw na natukoy sa imbestigasyon kung sinadya o hindi ang pagbangga ng barko ng China sa bangkang pangisda ng mga Pilipino.