Malakas na aftershock yumanig sa California ilang oras matapos ang M6.4 na lindol
Muling niyanig ng isang malakas na lindol ang Southern California araw ng Biyernes habang umaarangkada pa lang ang assessment sa pinsalang natamo matapos ang magnitude 6.4 na lindol noong July 4.
Ayon sa US Geological Survey, naitala ang isang magnitude 5.4 na lindol sa 18 kilometro Kanluran ng Searles Valley alas-4:07 ng madaling araw ng Biyernes sa California.
Ang pagyanig ay aftershock ng malakas na lindol noong July 4, na ayon sa mga eksperto ay pinakamalakas sa rehiyon sa loob ng 25 taon.
Ayon kay USGS seismologist Lucy Jones, higit 80 aftershocks na ang naitala na naramdaman mula Los Angeles hanggang Las Vegas.
Ang tyansa anya na magkaroon ng magnitude 5 na aftershocks ay mataas sa 50-50.
“We should be expecting lots of aftershocks and some of them will be bigger than the 3s we’ve been having so far. I think the chance of having a magnitude 5 … is probably greater than 50-50,” ani Jones.
Ilan sa mga residente ay ginamit na lamang ang kanilang July 4 holiday sa paglilinis sa mga pinsalang iniwan ng lindol.
Ilan lang ang nasaktan sa pagyanig ngunit may ilang cracks na naitala sa ilang mga establisyimento.
Inaprubahan ni California Governor Gavin Newsom ang isang emergency proclamation habang idineklara ni Ridgecrest Mayor Peggy Breeden ang state of emergency.
Ang naturang hakbang ay layong mapabilis ang tulong mula sa mga ahensya sa labas ng California.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.