Rep. Velasco pabor sa panukalang Duterte Coalition sa Kamara
Welcome para kay Marinduque Rep. Lord Allan Velasco ang panukala ng Hugpong ng Pagbabago at Hugpong sa Tawong Lungsod para sa pagbuo ng Duterte Coalition sa Kamara.
Sa statement ni Velasco, isa sa naghahangad na maging House Speaker, sinabi nito na ang layunin ng pagbuo ng koalisyon ay upang pagkaisahin ang Kamara.
Ito rin anya ay upang bumuo ng strategic partnership sa pagitan ng mga lingkod bayan na ang nais ay magkaroon ng reporma at mas maayos na pamamahala.
Sinabi ni Velasco na kaisa siya sa panawagan ng pagbuo ng koalisyon para sa kanilang mga mambabatas sa Kamara.
Dapat anyang isantabi ang mga personal na mga ambisyon at agenda at sumapi sa Duterte Coalition.
Ito anya ay para makabuo ng isang House of Representatives na nagkakaisa at malakas na tunay na kumakatawan sa mga mamamayan.
Si Velasco ay nauna nang inendorso ng PDP Laban habang si Davao City 3rd Rep. Isidro Ungab ay pambato ng Hugpong ng Pagbabago ni Davao City Mayor Inday Sara Duterte.
Bukod kina Velasco at Ungab, nais ding maging House Speaker nina Davao City Rep. Paolo Duterte, Leyte Rep. Martin Romualdez, Davao del Norte Rep. Pantaleon Alvarez, Taguig Rep. Allan Peter Cayetano at Bayan Muna Rep. Carlos Isagani Zarate.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.