Binalaan ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso ang mga residente sa lungsod na gumagamit ng jumper sa kuryente.
Ayon kay Domagoso, bistado na ang mga nagta-tamper ng linya ng kuryente.
“Mananawagan po ako muli, yung mga nakagawian niyo na dati na madidilim na bahagi, bistado na po kayo,” ani Moreno sa gitna ng cleaning operation sa Recto Avenue.
Ayon sa Alkalde, ilang residente ang naglalagay ng jumper at iligal na kumukonekta sa mainline electricity connection ng lungsod at ipinapamahagi pa ito sa ibang tao.
“Eh di yung kuryente, city government ang magbabayad sa Meralco. Oh tapos yung mga siga, eh Spider-man! Ita-tap tapos ‘idi-distribute.’ Di lang Meralco ang distributor ng kuryente sa Maynila.”
Iginiit ni Domagoso ang kanyang panawagan sabay babala na aarestuhin ang gumagamit ng jumper sa kuryente.
Dagdag ng Alkalde, kinausap na niya ang Meralco ukol sa paglilinis ng mga poste ng kuryente sa Recto Avenue hanggang Abad Santos.
Inutusan nito ang power firm na tanggalin ang mga illegal power connections sa Maynila.
Nanindigan pa si Mayor Isko na kailangang magkaroon ng kaayusan sa lungsod.